Monday, June 30, 2008

Racist Pinoy

Sabi ng isang Koreanong nakilala ko, kaya daw gusto nila dito sa atin mag-aral ng Ingles, bukod sa tayo ang kinikilala nilang magaling sa Ingles sa buong Asya, tayo daw mga Pilipino ay hindi racist.

Hah! Dyan sila nagkakamali! Hindi raw tayo racist?

Tayong mga Pinoy na yata ang pinaka-racist sa buong mundo. Sa liit ng ating bansa, nagagawa pa nating mangutya at magbigay ng tinatawag na stereotyping sa kapwa nating Pilipino.

Pinakamatinding halimbawa na nito ang pagtrato natin sa mga Bisaya. Kapag nakakita tayo ng isang babae at talaga nga namang mukhang katulong, ano ba ang sinasabi nating mga tipikal Pinoy?

“Pare, tingnan mo, mukhang katulong. Bisaya siguro.”

Hindi ba't ganyan lagi ang ating litanya?

O kaya, pag di tayo pina-utang ng pang-yosi ng isang kaopisina, ang madalas sinasabi, “Kuripot naman nun. Ilokano siguro.”

Tayo ang racist na puro siguro. Siguro Bikolano...siguro Kapampangan...siguro Muslim. Puro siguro hindi muna sinisiguro.

Kung mangungutya ka ng kapwa, siguruhin mo muna. Mahirap na at baka pag narinig ka ng kinukutya mo, wala kang maipang-depensa.

Anong gagawin mo pag bumuwelta sayo ang sinabihan mo ng 'mukhang katulong, Bisaya siguro'?

Kumaripas ka na ng takbo, 'pre! Dahil ito ang totoo: matapang at palaban ang mga Bisaya.

Ipagdasal mo na lang na hindi sila mabilis tumakbo.

Sunday, June 29, 2008

Istupidong Tanong: Sa Isang Internet Shop

Isa sa pinaka-istupidong tanong na aking narinig ay naganap habang ako'y nasa isang internet shop malapit dito sa aming bahay.

Pagdating ko sa shop, iniabot ko agad sa namamahala ang aking USB flash disk. Sabi ng taong in-charge, “I-scan ko lang po muna, sir.”

Ang aking pakay sa shop na iyon ay upang mag-email ng isang document sa isang kaibigan. Ang document na tinutukoy ko ay nasa USB flash disk ko. At dahil sa mag-e-email lang naman ako, isang oras lamang ang inihayag kong itatagal ko doon. Hiningi na nga nila ang aking bayad.

Mukha ba akong manggagantyo at wala silang tiwalang babayaran ko sila?

Trenta minutos na halos ang nakakalipas at nawili ako sa kakabasa ng balita sa Yahoo! at Inquirer.net nang maalala ko ang aking tunay na pakay.

“Asan na iyong USB ko?” tanong ko sa namamahala.

“I-scan ko pa lang, sir. Pasensya na po.”

Na-imbiyerna ako. Tagal ko nang nakaupo dun at hindi pa pala na-i-scan. Kaya ipinagpatuloy ko na lamang ang pagbabasa ng balita.

Maya-maya at lumapit sya sa akin.

“Sir, kailangan nyo po ba ang laman ng USB disk nyo.”

Nagpanting ang mga tenga ko! Iaabot ko ba sa kanya kung hindi ko kailangan ang laman nun? Ano sa akala nya, nag-trip lang akong ibigay sa kanya 'yon?

Istupidong pulpol!

“May i-email ako at nandun sa USB disk ko,” mahinahon kong sagot, kabaligtaran sa aking tunay na nararamdaman.

Umalis sya agad at hindi na sumagot. Marahil napansin nyang imbiyerna na ako.

Sampung minuto bago matapos ang aking oras ng pag-arkila, sinabihan nya ako na okay na. Dios mio! Mag-i-scan lang ng 128mb na flash disk, inabot pa ng siyam-siyam.

Unang punta ko sa internet shop na iyon at alam nyo na hindi na ako babalik dun kailanman. Ang panget na ng serbisyo nila (ang bagal ng internet at mismong computer, mag-o-open lang ako ng Calculator tumagal pa ng limang minuto) at istupido pa ang namamahala.

Sunday, June 22, 2008

Amoy Araw

Ang sabi nila, hanggang buwan pa lang ang pinaka malayong lugar na narating ng tao. Ang sabi ko naman, isa itong malaking kalokohan. Sapagkat ang tao'y nakarating na sa araw.


Tama mga kapatid. Bagamat hindi ko alam ang ngalan ng taong unang naka-tungtong sa araw, nakasisiguro ako na mayroon nang nakagawa nito. Buo ang aking isip at kalooban sa paniniwalang ito dahil sa madalas kong marinig ang ganitong linya:

“Maligo ka nga. Amoy araw ka na eh.”


Amoy araw!

Ilang dekada nang sinasabi iyan ng milyun-milyong tao sa Pilipinas. At isa pa, sa kadahilanang ito ay napagtanto natin na bukod sa alam nating may amoy ang araw, higit pa riyan, alam din natin kung anong klaseng amoy meron ito.


Maasim, maantot. Nakalilimarim. Iyan ang amoy ng araw!


Ah, at bukod sa rebelasyong ito na nagpapatunay na mayroon na ngang naka-tapak sa araw, mas matinding rebelasyon ang katotohanang isang Pilipino ang nakagawa nito.

Kaya tuwing titingala ka't titingnan ang araw (huwag gawin sa totoo lang dahil baka ka mabulag at idemanda mo pa ako), ipagmalaki mo na isang Pinoy ang unang nakarating doon at naihatid sa atin at sa buong mundo ang kaalamang mayroong amoy ang araw.




Bibingkang Kabayan

Isang araw pag-uwi ko sa bahay, gutom na gutom at uhaw na uhaw, ni-raid ko agad ang aming refrigerator.


“Walang laman 'yan, di pa ako nakakapag-grocery. Eto, mag-bibingkang kabayan ka muna,” sabi ng nanay ko.


Kinuha ko ang inabot nyang bibingka. Bibingkang kabayan? Noon lang ako nakarinig ng ganun. Binuksan ko ang plastic, inamoy-amoy at pinisil-pisil ang bibingka.


Mukha naman syang bibingka. Madilaw, may mantekilya at itlog na maalat sa ibabaw at ang puwitan ay balot ng bahagyang sunog na dahon ng saging.


“Tikman mo nang malaman mo,” sabi ng nanay ko. Itong si Mama talaga, may pagka-psychic kung minsan.


Isang kagat ko lang at nalaman ko na ang pinagmulan ng pangalang itinawag nya sa bibingka.


Lasang kabayan, kabayan! Ang bibingka'y lasang kabayan.


Saang lupalop ng mundo ka naman nakatikim ng bibingka na lasang kabayan? Marahil may sa demonyo ang panaderong lumikha nito at nagawa nyang ibahin ang lasa ng mga sangkap. O di kaya naman sadyang kabayan iyon at mukha lang bibingka?


Kailan pa nagkaron ng itlog ang kabayan?